Manila, Philippines – Mahigit 18-milyong pisong halaga ng mga puslit na sigarilyo ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa Manila International Container Port.
April 4 nang maharang ng BOC ang isang 40-footer container galing China na nakapangalan sa Madrid Industrual Marketing na nakabase sa Paco, Maynila.
Ang shipment ay deklaradong 890 kahon ng mga industrial artificial fur texture pero nang busisiin, napag-alamang 914 kahon ng sigarilyo ang laman nito.
Nagpalabas na si Commissioner Isidro Lapeña ng arrest order laban sa mga may-ari ng kargamento.
Nakatakdang sumailalim ang shipment sa seizure at procedure proceedings dahil sa paglabag sa section 1400 o “misdeclaration, misclassification and undervaluation in goods declared” sa ilalim ng customs modernization and tariff act.
Kakanselahin at susupendihin din ang accreditation ng importer at customs broker na nagpasok ng kargamento.