SMUGGLING | Mga opisyal at kawani ng BOC, gustong isailalim sa lifestyle check

Manila, Philippines – Magsasagawa ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ng lifestyle check sa mga empleyado ng Bureau of Customs (BOC).

Sabi ni PACC Commissioner Atty. Manuelito Luna, bago pa man pumutok ang smuggling ng 11 billion peso shabu shipment ay marami na silang natatanggap na reklamo tungkol sa suhulan at hingian sa BOC.

Ayon pa kay Luna, kung sila ang tatanungin ang customs na ang numero uno sa listahan ng mga tiwaling ahensya ng pamahalaan.


Batay aniya sa natatanggap nilang report, naglalaro sa 35,000 hanggang 350,000 ang “tara” o yung padulas sa kada container depende kung ano ang laman nito para mailabas ng walang aberya.

Kaugnay nito, sinabihan ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang kanyang mga kasamahan na itigil na ang korapsyon lalo na ang tara system.

Ang pagsugpo aniya sa katiwalian ang prayoridad sa ilalim ng kanyang pamumuno.

Matatandaang si Guerrero na ang ikatlong customs chief sa ilalim ng Duterte Administration.

Facebook Comments