Pinaiimbestigahan ni Senator Sherwin Gatchalian sa Senado ang napaulat na smuggling ng dalawang Bugatti Chiron sports cars dito sa Pilipinas.
Inihain ni Gatchalian ang Senate Resolution 954 na layong wakasan ang smuggling ng luxury sports cars sa bansa sa pamamagitan ng paglalagay ng remedyo sa batas at pagtugon sa revenue leakage sa pamahalaan.
Nakasaad sa resolusyon ang pagsasagawa ng Bureau of Customs (BOC) ng imbestigasyon matapos makatanggap ng ulat noong November 2023 tungkol sa luxurious vehicles na hindi dumaan sa regular customs clearance.
Ang dalawang Bugatti luxury cars na may plate numbers NIM 5448 at NIM 5450 ay isinurender na ng mga dayuhang may-ari sa BOC-Customs Intelligence and Investigation Service.
Ayon kay Gatchalian, mahalagang malaman sa gagawing imbestigasyon ang lapses at mga butas sa proseso ng pamahalaan na nagiging dahilan ng patuloy na smuggling ng luxury items sa bansa tulad ng mga sasakyan na nagkakait sa gobyerno na makakolekta ng kita at nagiging banta rin ito sa ating national economy.