Nasa P2.5 million ang lugi kada araw ng mga magsasaka sa La Trinidad, Benguet dahil sa patuloy na smuggling ng carrots, repolyo at iba pang gulay.
Sinabi ito ni League of Association at the La Trinidad Vegetable Trading Areas Public Relations Officer Agot Balanoy sa pagdinig ng Senado na pinamunan ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III.
Ayon kay Balanoy, mula sa 20 percent ay nadoble sa 40 percent ang volume ng smuggled carrots.
Nagpakita pa si Balanoy ng palitan ng text messages ukol sa distribution ng umano’y smuggled na carrots sa Procy Market sa Sariaya, Quezon.
Sumbong ni Balanoy, panandalian lang na nahinto ang pagkalat sa merkado ng smuggled na carrots dahil sa imbestigasyon ng Senado noong Disyembre pero bumalik uli ito pagpasok ng kasalukuyang taon.
Sabi pa ni Balanoy, mas tinatangkilik ng mga mamimili ang mga gulay mula China dahil nape-preserve ang mga ito sa loob ng dalawang buwan kumpara sa mga lokal na gulay na tumatagal lang ng dalawa hanggang tatlong araw.
Hinaing ni Balanoy, dahil dito ay bagsak na ang presyo ng kanilang carrots at madalas ay hindi na binibili kaya pinapamigay na lang.