Sobrang scholarship grant na natanggap ng higit 300 na mga estudyante, pinababalik ng COA

Ipinababalik ng Commission on Audit (COA) sa 338 estudyante ang P4.4 milyong halaga ng nakuha nilang government scholarship grant.

Ito ay matapos madiskubre ng COA na may mga estudyanteng nakatanggap ng dalawang uri ng financial assistance.

Ayon kay Iloilo Rep. Janette Garin, sponsor ng budget ng Commission on Higher Education (CHED), ang mga estudyanteng ito ay dalawang beses na nakakuha ng pinansyal na tulong na labag sa patakaran ng COA.


Dahil dito, ipinababalik aniya ng COA sa nasabing mga mag-aaral ang halagang ikalawang scholarship grant na kanilang natanggap.

Kinumpirma naman ni CHED Chairperson Prospero de Vera na nakapagpadala na sila ng notice of payment sa mga mag-aaral mula sa Region 2 at 5 kung saan kailangan nilang ibalik ang humigit-kumulang P15,000 bawat isa.

Samantala, nanawagan naman si Garin kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo na tulungan ang mga nasabing estudyante lalo na’t mayroong sa mga ito ang maaaring mas malaki ang kinakailangang grant para makapag-aral.

Facebook Comments