Iginiit ng militanteng grupong Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA) na dapat ipamigay sa mga sugar workers na apektado ng pag-aalburuto ng Bulkang Taal ang Social Amelioration Fund na hindi pa rin naipapamahagi.
Ayon kay UMA chairman Antonio Flores, kinakailangang iutos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalabas ng SAP funds para mapakinabangan ng mga maliliit na nagtatanim ng tubo.
Ang SAP ay mula sa nakokolekta na P10 kada tonelada ng sugar production sa ilalim ng Social Amelioration Program na laan para sa mga field at mill workers sa industriya ng asukal.
Ani Flores, apektado ng ibinugang abo ng bulkan ang mga sugar fields sa maraming bayan sa Batangas.
Karamihan sa mga pamilya ng mga sugar workers ay nanatili sa mga evacuation centers.
Batay aniya sa COA 2018 report, ang SAP funds ay umabot na sa P528 M magmula noong 1991.
Mula rito, P428 million ay nanatiling hindi nagagalaw.