Pinapayuhan na rin ng Department of Health (DOH) ang publiko na pairalin ang social distancing sa loob ng bahay.
Layon, aniya, nito na makasiguro lang ang bawat isa sakaling meron sa miyembro ng pamilya ang may COVID-19 pero walang nararamdamang sintomas.
Pinapayuhan din ni Health Secretary Francisco Duque III ang mga naninigarilyo kahit na vapes na itigil na muna ito.
Ito ay dahil nakakapagpahina, aniya, ito ng baga at madaling makakapitan ng sakit.
Ito ay bagama’t wala pa, aniyang, matibay na pag-aaral ang World Health Organization (WHO) na ang paninigarilyo ay may kaugnayan sa COVID-19.
Nilinaw din ni Duque na ang mild COVID-19 cases, hindi na kailangang uminom ng antibiotic at mas mainam, aniyang, uminom na lamang ng maraming tubig, at kailangan obserbahan ang pasyente kung gumagaling o lumalala ang kanyang kalagayan.
Muli ring umapela si Duque sa publiko na manatili sa bahay at kung hindi maiwasang bumili ng pagkain sa labas ay tiyakin na agad na magdi-disinfect ng sarili at huwag ipapasok sa loob ng bahay ang mga sinuot na damit at sapatos.
Panatilihin din, aniya, ang social distancing kapag lumabas sa pampublikong lugar.