Sa layuning mabawasan ang pagkukumpol-kumpol ng mga tao, ipinakalat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga social distancing patrollers.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya na ang mga 693 social distancing patrollers ay ipinakalat sa mga matataong lugar sa bansa tulad ng mga palengke at terminal upang matiyak na masusunod ang physical distancing.
Kasunod nito, sinabi ni Malaya na sa kabuuan ay nasa 1,106 ang mga quarantine controlled checkpoint sa National Capital Region Plus bubble na sakop ngayon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) kung saan nasa 9,356 na mga pulis ang nakabantay.
Habang sa Metro Manila ay mayroon namang 929 quarantine controlled checkpoints na minamandohan ng nasa 7,876 na mga pulis.
Nasa 728 authorized barangay checkpoints din ang nakalatag sa ngayon.
Kaugnay nito, pinapayuhan ng DILG ang mga Local Government Unit (LGU) na huwag magpatupad ng sariling checkpoint upang mabawasan ang kalituhan.