Ipinag-utos ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur P. Tugade sa mga tauhan ng Emergency Operations Center (EOC) na laging sundin ang isang metrong distansya o one-meter social distancing at laging panatilihing malinis ang opisina ng Operations Center.
Pinaalalahanan ng Kalihim ang mga opisyal at empleyado na nasa EOC na habang sila ay nagsisilbi sa bayan, nararapat lamang na mahigpit din nilang sundin at seryosohin ang social distancing o physical distancing measure na pinapayo ng Department of Health (DOH).
Binigyang-diin din ni Secretary Tugade na kailangang panatilihing malinis ang EOC, panatilihin ang proper hygiene, gaya ng pagtapon ng maayos sa basurahan ng mga nagamit na tisyu at iba pang basura, at ang pag-iwan sa banyo ng malinis pagkatapos gamitin.
Kahapon ay ibinalita rin ni Secretary Tugade na nakausap niya si United Kingdom Ambassador to the Philippines Daniel Pruce at napag-usapan nila ang tungkol sa pagtatatag ng DOTr Emergency Operations Center at iba pang inisyatibo ng pamahalaan upang iwasan ang pagkalat ng COVID-19.