
Pinangunahan ng social media personality na si Rendon Labador ang 93-days weight loss at fitness challenge sa Philippine National Police (PNP).
Nagsimula ngayong hapon ang nasabing fitness challenge para sa mga overweight na kasapi ng PNP.
Unang sasabak ang 150 pulis mula sa Police Community Affairs and Development Group (PCADG).
Ayon kay Labador, tututukan niya ang mga pulis kung saan kanyang titimbangin ang mga ito linggo-linggo at babantayan ang progreso ng bawat isa sa loob ng 93 araw.
Inaasahang makikilahok din ang iba pang pulis mula sa iba’t ibang rehiyon sa pamamagitan ng Zoom.
Payo nito sa mga pulis na nais pumayat, magbawas ng kanin dahil kahit anong work out aniya ang gawin kung hindi naman tama ang kinakain ay hindi rin papayat.
Sa ngayon, wala pang pinal na schedule kung ilang beses kada linggo gagawin ang aktwal na fitness training sa Camp Crame, pero ayon kay Labador, libre ang kanyang serbisyo at mas gusto niyang tawaging “Pambansang Coach ng Kapulisan.”
Matatandaang inanunsyo ni PNP Chief Gen. Nicolas Torre III na hindi maipo-promote ang mga pulis na overweight kung saan kapag hindi nila nakuha ang tamang bodyweight na angkop sa kanilang edad makalipas ang isang taon ay ppwede silang matanggal sa serbisyo.









