Social Welfare and Development Department ng Pasay City, sinigurong matatanggap ng higit 11,000 waitlisted beneficiaries ang cash assistance mula sa SAP

Siniguro ni City Social Welfare and Development Department Chief Rosalinda Orobia kay Pasay Mayor Emi Calixto-Rubiano na makukuha na ng higit 11,000 residente mula sa anim na barangay na may malalaking bilang ng “waitlisted beneficiaries” ang cash assistance mula sa Social Amelioration Program (SAP).

Sa naging pulong ni Orobia kay Mayor Emi kasama ang ilang mga barangay officials, sinabi nito na sisimulan na nilang ipamahagi ang cash assistance mula August 14 hanggang August 17, 2020.

Ilan sa mga barangay na maraming waitlisted beneficiaries ay ang Barangay 176, 178, 179, 183,184 at 194 kung saan nagtakda ng araw ang city social welfare ng onsite payout.


Ang ibang mga benepisyaryo naman mula sa iba pang barangay ay makatatanggap ng text notification kung kailan at saan nila makukuha ang kanilang cash assistance mula sa SAP.

Humihingi naman ng pang-unawa ang lokal na pamahalaan ng Pasay sa mga residente na naghihintay ng cash assistance mula sa SAP kung saan ginagawa na nila ang lahat ng paraan para makuha na nila ang nasabing tulong.

Facebook Comments