Habang nagsasanay sa Amerika para sa nalalapit na laban sa boxing ay hiningi ni Senator Manny Pacquiao ang tulong ng Philippine National Police Anti-Cyber Crime Group upang matukoy ang owners at administrator’s ng 27 fake news sites.
Ayon kay Pacquiao, ito ang mga news sites na tumulong sa pagpapalabas at pagpapakalat ng fake news na nag-ugnay sa kaniya sa 3.5 bilyong pisong korapsyon sa konstruksyon ng Sarangani Sports Complex.
Ang aksyon ni Pacquiao ay nag-ugat sa social media post ni Pastor Apollo Quiboloy na nagtuturo sa Senador na nasa likod diumano ng napabayaang Sarangani Sports Complex.
Nakasaad sa post na ginastusan umano ng pamahalaan ng P3.5 bilyong piso ang proyekto kasabay ng pagpapakita sa mga sira-sirang pasilidad at talahiban.
Ayon sa abogado ni Pacquiao na si Atty. Pelagio Lawrence Cuison, ang nabanggit na social media post ay libelous, malisyoso at layuning sirain ang reputasyon ng Senador.
Paliwanag ni Cuison, ang P3.5 bilyong piso na sinasabi ni Quiboloy na budget para sa Sarangani Sports Complex ay inilaang budget sa konstruksyon ng Philippine Sports and Training Center na target itayo sa Bataan sa bisa ng Republic Act 11214.