SOGIE Bill, mahihirapang makalusot sa ilalim ng bagong Senate leadership

Mahihirapan pa ring makalusot sa Senado ang Sexual Orientation and Gender Equality (SOGIE) Bill sa kabila ng pagpapalit ng liderato sa Senado.

Ito ang pahayag ni Senate President Chiz Escudero kasabay ng apela ng UN Population Fund (UNFPA) na ipasa na ng Kongreso ang SOGIE bill sa gitna na rin ng pagdiriwang ng Pride Month ngayong Hunyo.

Ayon kay Escudero, patuloy na mahihirapang makausad sa Mataas na Kapulungan ang SOGIE Bill maliban na lamang kung handa ang mga nagsusulong nito na maamyendahan ang panukala.


Mas may pag-asa pa aniya na maaprubahan ngayong taon ng Senado ang Anti-Discrimination Bill na mas may malawak na saklaw na sektor kumpara sa SOGIE bill na limitado lang sa LGBTQIA community.

Magkagayunman, sinabi ni Senator Risa Hontiveros, pangunahing nagsusulong ng SOGIE Bill sa Senado, na mayroong 19 na mga mambabatas na lumagda sa committee report ng SOGIESC Equality bill patunay na tanggap ito ng mayorya ng mga mambabatas.

Umaasa si Hontiveros na titindig pa rin ang bagong liderato ng Senado para sa LGBTQIA plus community ngayong Pride Month.

Facebook Comments