
Hindi pa napag-uusapan ng Malacañang kung dapat na bang palitan si Solicitor General Atty. Menardo Guevarra bilang kinatawang abogado ng gobyerno.
Kasunod ito ng pagtanggi ni Guevarra na humarap sa Korte Suprema para sagutin ang writ of habeas corpus na inihain ng mga anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, si Guevarra na dapat ang magsuri sa kaniyang sarili kung kaya pa ba niyang gampanan ang kaniyang tungkulin.
Mismong ang Solicitor General na rin kasi ang nagsabi sa kaniyang manifestation sa Korte Suprema na hindi niya epektibong magagampanan ang pagiging kinatawan ng gobyerno sa kasong ito dahil walang hurisdiksyon ang International Criminal Court (ICC) sa Pilipinas.
Pero nilinaw naman ni Castro na hindi nakasaad sa manifesto ni Guevarra na mali ang ginawang pagtulong ng gobyerno sa Interpol para maaresto si dating Pangulong Duterte.
Ang tinutukoy lamang nito sa kaniyang manifestation ay ang hurisdiksyon ng ICC sa bansa.
Batay kasi sa kampo ng dating Pangulo, ang naging tugon ni Guevarra sa Korte ay malakas na puntos na magpapalakas ng kanilang kaso.
Si Guevarra ay dating Deputy Executive Secretary noong administrasyong Duterte hanggang maitalaga ito bilang kalihim ng Department of Justice (DOJ) at tumawid ito sa administrasyong Marcos ngayon bilang Solicitor General.