Iginiit ni Solicitor General Jose Calida na hindi siya maglalabas ng komento ukol sa prangkisa ng ABS-CBN dahil sa inihain nitong kaso sa Korte Suprema laban sa nasabing broadcast network.
Ayon kay Calida, pinagbabawalan siyang magsalita ng dalawang prinsipyong panlegal na “Non-Encroachment on the Exclusive Domain of Judicial Jurisdiction” at ng “Sub Judice Rule.”
Nabatid na ito rin ang rason ng Office of the Solicitor General (OSG) na kanila umanong sinusunod sa nakaraang imbitasyon ng pagdinig ng Senado sa kaparehong isyu.
Samantala, pinadadalo naman nina Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor at Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta sa pagdinig ng Kamara para sa ABS-CBN franchise renewal ang Chairman nito na si Eugenio “Gabby” Lopez III.
Kinuwestyon kasi ang hindi nito pagdalo sa pagdinig ng Kamara ngayong araw gayong may mga isyu pa itong dapat sagutin tulad na lamang ng kanyang citizenship.