SOLUSYON? | Mas malaking plaka ng motorsiklo, makakatulong para mabawasan ang mga motorcycle crime sa bansa

57

Manila, Philippines – Inaasahan ng House Committee on Public Order and Safety na makakatulong sa pagbaba ng krimen ang panukala para sa paggamit ng mas malaking plaka at iba pang identifying marks sa mga motorsiklo. Ayon kay Antipolo Rep. Romeo Acop, Chairman ng nasabing komite, inaasahan nilang magiging deterrent ang mas malalaking plaka sa paggawa ng krimen at mas magiging madali ang pagtukoy sa motorsiklo na gamit ng mga suspek. Nakasaad din sa panukala na kung ang isang kriminal ay gagamit ng isang impounded na motorsiklo, mahaharap ito sa maximum penalty ng krimeng ginawa nito. Sa ilalim ng panukala, binibigyan ng otorisasyon ang Land Transportation Office para itakda ang size ng plaka ng motorsiklo basta kailangang mababasa ito sa minimum distance na 12 metro. Matapos maaprubahan ang panukala ng dalawang komite sa Kamara, ang House Committee on Public Order and Safety at House Committee on Transportation, inaasahan na maisasalang ito agad sa plenaryo sa pagbabalik sesyon ng Kamara.

Facebook Comments