Tiniyak ng mga economic managers kay Finance Committee Chairperson Senator Loren Legarda na hihinto na ang pagtaas sa presyo ng mga bilihin.
Inihayag ito ni Legarda, matapos ang briefing sa kaniya nina Budget Secretary Benjamin Diokno, Finance Secretary Carlos Dominguez III, NEDA Secretary Ernesto Pernia at Bangko Sentral ng Pilipinas Deputy Governor Francisco Dakila, Jr.
Ayon kay Legarda, kabilang sa mga hakbang ng economic team ay ang agarang pagpapalabas sa National Food Authority o NFA ng 4.6 million sako ng bigas.
Sabi ni Legarda, nakiusap din ang economic managers na ipasa agad ang Rice Tariffication Bill ngayong buwan.
Binanggit din ni Legarda na bumuo na ang Department of Trade and Industry (DTI), NFA, Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at grupo ng mga magsasaka ng monitoring team para bantayan ang bigas mula sa pier, patungo sa mga warehouse ng NFA hanggang makarating sa mga pamilihan.
Pupulungin naman ng DTI at Department of Agriculture (DA) ang mga poultry producers para pag-aralan na maka-direkta sila sa mga palengke para mapigil ang pagpapatong ng malaki sa presyo ng karne ng manok.
Ibubukas naman ng sugar regulatory administration ang pag-angkat ng asukal sa direct users nito habang ipaprayoridad naman ng Bureau of Customs (BOC) ang pagpapalabas ng mga food items mula sa pantalan.