SOLUSYON | Paggamit ng Euro 2 fuel, ipinarerekunsidera ng Kamara

Manila, Philippines – Ipinarerekunsidera ni House Committee on Energy Chairman Lord Allan Jay Velasco sa Department of Energy (DOE) ang inilabas na department order na nagbibigay pahintulot sa paggamit ng Euro 2 fuel sa bansa.

Ibinalik ng DOE ang paggamit sa Euro 2 fuel para tugunan ang tumataas na inflation rate sa bansa.

Sa isinagawang pagdinig ng joint congressional oversight committee on bio-fuels, iginiit ni Velasco na inalis na ang Euro 2 fuel mahigit dalawang taon na ang nakakalipas dahil sa masamang epekto nito sa kapaligiran at sa kalusugan ng mga tao.


Ayon kay Velasco, bagaman at maganda ang layunin sa muling paggamit ng Euro 2 fuels dapat na pinag-aralan muna ng DOE ang magiging epekto nito sa ekonomiya, kalusugan at sa kapaligiran.

Pinangangambahan ng mambabatas na kung babalewalain ng DOE ang mga suhestyon ng mga stakeholders tungkol sa paggamit ng Euro 2, anumang savings na makukuha mula sa Euro 2 ay maaaring bawiin sa pagtataas ng presyo nito dahil din sa pagtaas ng demand.

Babala ng kongresista, posibleng ipasa ang panibagong problemang ito sa publiko dagdag pa dito ang ibang concerns ng nasa downstream oil industry na problema sa logistics, product adulteration at smuggling ng langis.

Facebook Comments