Naniniwala ang grupong Nagkaisa Labor Coalition na ang tunay na paraan upang makabawi ang bansa mula sa pagkalugmok dulot ng pandemya ay sa pamamagitan ng paglalaan ng malaking halaga sa Public Employment Programs at subsidiya sa sahod sa kumpanya.
Ayon kay Nagkaisa Labor Coalition Chairman Atty. Sonny Matula, ang tunay na pamamaraan upang makabangon ang ating ekonomiya ay makalikha ng trabaho, tiyaking ligtas ang mga manggagawa sa COVID-19 at tiyaking mayroong kita ang pamilya para panggastos ngayong holiday season.
Paliwanag pa ni Atty. Matula, dapat yakapin ng gobyerno ang kanilang malaking papel na ginagampanan sa paglago ng ating ekonomiya.
Dagdag pa ni Atty. Matula, kung mayroon mang matutuhan ang economic managers sa resulta mula sa October 2020 Labor Force Survey na ang krisis sa trabaho ay totoo, na ang unemployment rate ay bumagsak sa pagitan ng buwan ng Hulyo at Oktubre 2020 pero ang 8.7 percent unemployment rate na naiulat noong huling Quarter ng 2020 ay isa umanong ilusyon.
Giit pa ni Atty. Matula, mababa umano ang employment kumpara sa kaparehong quarter noong nakaraang taon kung saan ang bilang ng manggagawang nagtatrabaho ay mababa sa 2.7 million, at ang kasalukuyang employment level ay mababa rin aniya sa bilang ng mga manggagawang nagtatrabaho sa buwan ng Hulyo ng 1.5 million, ibig sabihin umano ay hindi pa talaga nakakabawi ang ekonomiya ng bansa.