Manila, Philippines – Aabot sa tatlong libo ang mga bisita na dadalo sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay SONA 2018 Steering Committee Chairman Secretary General Atty. Cesar Strait Pareja, mayroong 1,500 seats na available sa plenary hall pero dinoble nila ang bilang ng mga upuan dahil na rin sa iba pang inaasahang VIPs at mga bisita na sasaksi sa ulat sa bayan ng Pangulo.
Ang limit na ito ay aprubado din ng Bureau of Fire Protection (BFP) at hindi na maaaring sumobra pa.
Magpapatupad din ng lockdown sa Batasan Complex kung saan tatlong araw bago ang SONA ng Pangulo ay hindi papasukin ang mga walang access o ID na inisyu para sa SONA.
Sinabi naman ni House Sergeant at Arms Retired Lieutenant General Roland Detabali na nagsagawa na rin ng exercises ang Mababang Kapulungan para sa pagtugon sa mga emergencies na maaaring mangyari sa SONA.
Aniya, mas pinaigting nila ang ugnayan sa mga ahensya para sa pagbibigay ng seguridad, nagdagdag din ng mga x-ray machines, K-9 units at iba pang equipment na kakailanganin.
Inabisuhan na rin ang presidential units na huwag hayaang ulitin ni Pangulong Duterte ang ginawang pagbaba at pakikipag-usap sa mga raliyista sa labas ng Batasan.