SONA 2018 | PNP walang nakikitang banta sa seguridad para sa gaganaping SONA ng Pangulong Duterte

Manila, Philippines – Walang namo-monitor ang Philippine National Police (PNP) na banta sa seguridad para sa papalapit na ikatlong State of the Nation Address o SONA ng Pangulong Rodrigo Duterte sa July 23.

Ayon kay NCRPO Director Chief Superintendent Guillermo Eleazar, kahit walang banta sa seguridad ay naghahanda pa rin sila ng contingency measures upang matiyak na magiging handa ang pulisya sa anumang senaryong maaaring mangyari sa araw ng SONA.

Bukod rito ngayong Linggo ay nakatakdang makipagdayalogo ang mga pulis sa mga lider ng ibat-ibang grupo para pag-usapan ang mga planong pang seguridad at peace and order.


Sa susunod na linggo naman ay magsasagawa ng tabletop exercises ang lahat ng security agencies sa Quezon City Police District (QCPD) Headquarters para pag-usapan ang contingency planning at maidagdag ang mga best practices na nakuha sa mga nakalipas na SONA.

Papayagan naman ng NCRPO na makapagsagawa ng rally ang mga grupong hindi makakakuha ng permit mula sa Local Government Unit (LGU) kung mangangako ang mga itong hindi manggugulo.

Dagdag pa ni Eleazar, dahil sa dami ng inaasahang makikiisa sa mga SONA rally at sa ongoing construction sa Commonwealth Avenue ay pinag-aaralan pa nila kung papayagan pa ring makalapit ang mga raliyista sa Batasan Road gaya ng unang dalawang SONA ng Pangulong Duterte.

Facebook Comments