SONA | Majority senators, umaasang mangingibabaw sa SONA ni PRRD ang mga isyung nakakaapekto sa mga mahihirap

Manila, Philippines – Umaasa ang mga senador na kasapi ng mayorya na mga isyung nakakaapekto sa mga mahihirap na Pilipino ang mangingibabaw sa ikatlong State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte mamayang hapon.

Ayon kay Senator Nancy Binay, ito yung mga isyu na dikit sa sikmura ng mga tao tulad ng pag-kontrol sa tumataas na presyo ng bilihin, paglikha ng trabaho o pagtaas ng sweldo, war on drugs at siyempre ang mga programa ng administrasyon sa nalalabing tatlong taon nito.

Higit sa lahat, nais ni Senator Binay na i-anunsyo ng Pangulo ang suspensyon sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN law.


Sina Senators Sonny Angara at JV Ejercito naman ay nais ding marining mula sa Pangulo ang pagsusulong sa universal healthcare bill na sinertipikahan nitong urgent.

Idinagdag pa ni Ejercito ang accomplishments ng administrasyon pagdating sa pagpapatupad ng reporma, estado ng build, build, build program at economic direction.

Binanggit din ni Senator Angara ang hinggil sa bangsamoro organic law at isyu ng peace process in Mindanao, gayundin ang peace and order situation sa bansa.

Hangad naman ni Senator Koko Pimentel na ilatag ng Pangulo ang eksaktong ulat ukol sa kalagayan ng bansa at direksyong tinatahak o mga espesipkong plano pang makamit ng gobyerno.

Isyung pang-ekonomiya din ang gusto ni Senator Win Gatchalian na marinig mula sa Pangulo gayundin ang mga hakbang nito para maprotektahan ang mamamayan laban sa tumataas na inflation rate.

Giit naman ni Senator Chiz Escudero kay Pangulong Duterte, ibigay ang tunay na estado ng bansa at huwag tumutok sa mga positibong aspeto lang.

Aantabayanan naman ni Senate President Tito Sotto III ang mga nagawa na at gagawin pa ng administrasyon ni Pangulong Duterte.

Facebook Comments