Manila, Philippines – Pansamantalang isinantabi ng ibat-ibang grupo ang kanilang magkakaibang posisyong pampulitikal upang magsanib ng lakas para sa tinawag nilang United People’s SONA sa araw ng Lunes.
Kung dati ay ayaw magsama ng mga pula sa dilaw, sa Lunes, magsasama sa iisang hanay at parehong tatayo sa iisang entablado ang ibat-ibang grupo sa ilalim ng militanteng Bagong Alyansang Makabayan o BAYAN, Movement Against Tyranny at ang mga grupong identified sa Liberal Party na Tindig Pilipinas, Kalipunan ng Kilusang Masa, Sanlakas gayundin ang mga taong Simbahan sa ilalim ng Sangguniang Laiko.
Sasama din sa rally sa Lunes ang mga pamilya ng biktima ng Extrajudicial Killings.
May katulad ding kilos protesta ang grupong BAYAN sa ibat-ibang mga lalawigan.
Ang pagsasanib puwersa ng mga grupong ito ay may layuning tutulan ang mga pagtatangka na mapalawig ang panunungkulan ng mga nasa kapangyarihan at ang gumagapang na diktadurya umano ng Duterte Administration.