Inamin ni House Speaker Alan Peter Cayetano na hindi pa rin nila naisasapinal hanggang ngayon kung papaano isasagawa ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa July 27, 2020.
Ayon kay Cayetano, napag-uusapan naman ang blended SONA ng Pangulo pero sa halip na sa Malakanyang ay mas gusto ng Presidente na malapit sa mga tao at sa Batasan magtalumpati.
Dahil dito, mahigpit nilang ikinukunsidera ang seguridad at kalusugan ng Presidente.
Sa panig ng Kamara, wala silang balak na punuin ang Batasan kaya malamang na nasa 50 lamang ang bilang na mapapayagan na makapasok sa loob ng session hall malayo sa bilang na 3,000 mga VIPs at panauhin na pumupunta noon tuwing SONA.
Ang mga miyembro naman na hindi papupuntahin ay lalahok sa pamamagitan ng video conference.
Paliwanag ng Speaker, kahit pa official function at importanteng okasyon ang SONA, gusto pa rin nilang maging magandang halimbawa sa mga tao kaya hindi nila lalabagin ang panuntunan sa public gathering.
Nagpahayag din ang liderato ng Kamara ng kahandaan na mag-adjust sa kung anong kagustuhan ng Malakanyang sa SONA ng Pangulo.