SONA ng Pangulo sa lunes, dapat simple ayon sa ilang senador

Hinimok ng ilang mga senador na gawing simple ang mismong araw ng State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo sa Lunes.

Hirit nina Senators Migz Zubiri, Loren Legarda at JV Ejercito, maraming mga Pilipino ang naghihirap at apektado ng kalamidad kaya iwasan ng mga dadalo sa SONA ang pagiging magarbo sa nasabing event.

Diretsahang sinabi ni Zubiri na iwasan ang pagiging makapal ang mukha at manhid sa pangyayari sa mga kababayan kung saan dapat na itigil muna ang mga red carpet fashionista walk na may padyamante pa.

Mahalaga aniya na intindihin sa pagkakataong ito ang kalagayan ng mga naglalakad sa baha at ang mga exposed sa sakit na leptospirosis.

Iginiit ni Legarda na dapat gamitin ang okasyon para solusyunan ang mga problema at maging parte ng solusyon sa matagal nang suliranin sa bansa.

Sinabi naman ni Ejercito na noon pa man ang posisyon niya ay huwag gawing pageantry at fashion show ang SONA na parang Oscars award.

Paalala ng senador, hindi ito pagkakataon para rumampa at magpasikat dahil maraming mga kababayan ang naghihirap.

Facebook Comments