Manila, Philippines – Tulad ng inaasahan ay katakot-takot na batikos mula kay opposition Senator Leila De Lima ang inani ng ikalawang State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sabi ni De Lima, kung karamihan sa mga nasa Kamara, ay nagpalakpakan para sumipsip sa Pangulo, ay sigurado syang marami sa ating mga kababayan ang napailing at napayuko sa kahihiyan dahil sa mga pinagsasabi ni Pangulong Duterte.
Ayon kay De Lima, sa halip na ilahad ang mga nagawa ng kanyang administrasyon at kongkretong plano para sa taumbayan ay pawang kawalanghiyaan, walang kwentang policy direction ang naging laman ng SONA ng Pangulo.
Diin ni De Lima, ang totoong State of the Nation Address ay ang pagkakaroon umano natin ng isang lider na mamamatay tao at lasing sa kapangyarihan.
Katotohanan ito aniya ay isang bangungot na hindi kayang takasan ng 100-milyong helpless na mga Pilipino.
Samantala, para kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, maraming kulang sa ikalawang SONA ng Pangulo.
Ayon kay Drilon, walang inilatag na polisya o sagot ang Pangulo sa mga problema bansa tulad ng kakulangan ng trabaho, mataas na presyo ng bilihin, mababang sweldo, system ENDO o conctractualization, at reporma sa justice system.
Si opposition Senator Bam Aquino naman ay nadismaya sa kabiguan ni Pangulong Duterte na banggitin sa SONA ang libreng edukasyon sa kolehiyo na naisabatas na pero hindi pa rin nilalagdaan ng Pangulo.
Sa kabila nito ay natuwa naman si Aquino na binanggit ng Pangulo ang pinagibayong suporta sa Armed Forces, pagpapabilis sa proseso sa pamahalaan, paglalagay ng libreng internet sa pampublikong lugar, at ilang panukala tulad ng Land Use Act, BBL at pagbabago sa mga polisiya sa pagmimina.