Manila, Philippines – Hindi tanggap ni Senate Majority Leader Tito Sotto ang pagso-sorry at paliwanag ni Minority Senator Kiko Pangilinan kung bakit hindi napapirmahan sa pitong majority senators ang isinulong nilang senate resolution number 516 na nananawagan sa Duterte administration na ipahinto na ang mga kaso ng pagpatay.
Paliwanag ni Senator Pangilinan, hindi nila ito intensyon at lalong wala silang kinalaman sa kumalat na artikulo sa social media na bumabatikos at sinisiraan pa ang nabanggit na pitong senador.
Para kay Senator Sotto, malinaw na may malisya at sinadya na hindi sila papirmahin sa naturang resolusyon.
Dagdag pa ni Sotto, bago pa man mai-file ang nabanggit na resolusyon ay mayroon na agad inilabas na press release hinggil dito at mayroon na ring kumalat na mapanirang artikulo sa social media laban sa kanilang pito.
Nais ni Senator Sotto na paimbestigahan kung sino ang nasa likod ng mapanirang blog at masampahan ng kasong cyber libel ang nasa likod ng nasabing black propaganda.