Nagbabala ang mga lider ng Senado na posibleng mauwi sa constitutional crisis kapag kinatigan ng Supreme Court (SC) ang petisyon na pigilan ang Kongreso sa pag-canvass ng presidential votes.
Hiningan ng reaksyon si Senate President Vicente Sotto III kaugnay sa paghahain ng petisyon ng activists at human rights groups, at iba pa, para maglabas ang SC ng restraining order sa Kongreso habang pinag-aaralan ang kanilang petisyon na baliktarin ang pagbasura ng Commission on Elections sa disqualification cases laban kay presumptive president Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“We will be courting a constitutional crisis from the fact that Congress can no longer meet after June 3.” sabi ni Sotto.
“Who will then conduct the canvass as mandated by the Constitution?” dagdag pa niya.
Iginiit din ni Sotto na mahalagang petsa ang July 25 para sa Kongreso at hindi maaaring walang Presidente o Bise President sa June 30.
Dalawang petisyon ang nakabinbin sa SC para pigilan ang Kongreso sa pag-canvass ng mga boto at pag-proklama kay Marcos na nanalo sa pamamagitan ng landslide votes makaraang makakuha ng mahigit 31 million, batay sa unofficial results.
Binigyang diin ng Senate President ang kanilang constitutional duty sa pagsasabing “The Constitution cannot be amended by a TRO.”
Sa bahagi naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, naniniwala ito na hindi uusad ang mga petisyon sa pagsasabing “the Supreme Court cannot stop Congress from performing its constitutional duty.”
Ipinaliwanag ni Drilon na dating Justice Secretary na “the Supreme Court cannot restrain or stop the Congress, acting as the National Board of Canvassers, from performing its constitutional duty of canvassing the votes for President and Vice President of the Republic, and proclaiming the winner.”
Inaasahang magko-convene ang dalawang kapulungan ng Kongreso bilang National Board of Canvassers sa May 24, at pagkatapos ng canvassing ay ipo-proklama nila ang nanalong presidente at bise presidente.