Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Korea Disease Control and Prevention Agency (KDCA) tungkol sa dalawang indibidwal na nasawi ilang araw matapos umanong turukan ng COVID-19 vaccine mula sa kompanyang AstraZeneca.
Ayon sa otoridad, mayroon nang naunang karamdaman ang mga ito na posibleng dahilan ng kanilang pagkamatay.
Isa sa nasawi ang 63 taong gulang na nursing home patient at may sakit na cerebrovascular disease kung saan nagkaroon ng mga sintomas kabilang ang mataas na lagnat matapos mabakunahan.
Habang ang isang indibidwal naman na mayroong cardiac disorder at diabetes ay namatay isang araw matapos makatanggap ng nasabing bakuna dahil sa multiple heart attacks.
Sa ngayon, wala pang pahayag ang tagapagsalita ng AstraZeneca sa Seoul, South Korea sa nasabing insidente.