Muling binuksan ngayong araw ang bakunahan sa SM South sa Las Piñas matapos itong kanselahin ng lokal na pamahalaan.
Bigla kasing dinagsa kahapon ang naturang vaccination site dahil sa kumalat na fake news na hindi sila makatatanggap ng ayuda kung hindi bakunado.
Kanina ininspeksyon mismo ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos ang naturang vaccination site kung saan ay nawala na ang mahabang pila at naging organisado na ang bakunahan.
Sinaksihan din ni Abalos ang vaccination activity sa SM South Mall.
Ayon kay Abalos, tapos na ang isyu ng fake news dahil ayon sa Local Government Unit (LGU), agad naman itong naipaalam sa social media ng LGU at sa mga barangay upang balaan ang publiko.
Sinabi ni Abalos na magpupulong mamaya ang Metro Manila mayors kasama ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) upang talakayin ang mga sumulpot na problema at kahinaan sa unang araw ng implementation ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Pag-uusapan din nila ang gagawing proseso upang mabilisang ipamahagi ang ECQ ayuda sakaling i-download na ito sa mga LGU.
Maliban sa SM South mall vaccination site, inikutan din ni Abalos ang Filinvest Mall, Southpark, Muntinlupa at BF Sucat, Paranaque.