SP Escudero, inaming nagkataasan ng boses nang minsang pag-usapan sa caucus ng mga senador ang Cha-cha

Aminado si Senate President Francis Escudero na naging mainit ang talakayan nila noon ng dating liderato ng Senado patungkol sa Charter change (Cha-cha).

Ayon kay Escudero, may kani-kaniyang dahilan ang mga senador sa pagpapalit ng pangulo ng Senado at aminado siyang sa kanyang parte ay ito ang Cha-cha.

Inamin ng senador na nagkataasan sila ng boses sa isinagawang caucus patungkol sa Resolution of Both Houses No. 6 matapos niyang kwestyunin ang patuloy na pagdinig dito gayong batid naman na hindi lulusot sa Senado dahil walang sapat na boto.


Kinumpirma rin ng Senate leader na tinutulan din niya ang pagbuo noon ng Subcommittee on Constitutional Amendments para sa RBH 6 gayung mayroon namang mother committee na maaaring duminig nito.

Iginiit ni Escudero na maraming concerns ang bawat senador sa pagpapalit ng liderato at hindi kasama rito ang pagdinig ng Senado patungkol sa PDEA leaks.

Aniya, kung PDEA leaks ang rason ay bakit si Zubiri ang inalis sa pwesto gayong maaari namang tanggalin sa komite si Senator Bato dela Rosa na siyang dumidinig sa isyu.

Facebook Comments