Hinamon ni Senate President Vicento Sotto III ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na pangalanan ang mga indibidwal, kabilang ang mga mambabatas na umano’y sangkot sa korapsyon sa Department of Public Works and Highways (DPHW).
Giit ni Sotto, hindi matitigil ang korapsyon sa ahensya kung hindi ilalantad ang pagkakakilanlan ng mga sangkot dito.
Aniya, maganda kung ilalabas ang pangalan kasama ang mga ebidensya.
Naniniwala naman si Sotto na wala ni isa sa kanyang mga kasamahan sa senado ang sangkot sa sinasabing korapsyon sa DPWH.
Una nang hiniling ni House Committee on Public Accounts Chairman Mike Defensor sa PACC na pangalanan ang mga sinasabi nitong ilang miyembro ng kamara na umano’y nambu-bully ng ilang district engineers at nakikipag-kutsaba sa mga kapwa kongresista, contractors at district engineers para sa mga iligal na gawain.
Nanindigan naman si PACC Commissioner Greco Belgica na hindi siya maglalabas ng pangalan dahil makokompromiso lamang nito ang isinasagawa nilang imbestigasyon.