SP Zubiri: P13 billion na matitipid kapag isinabay ang plebesito sa 2025 midterm elections, maaaring gamitin sa ibang programa ng gobyerno

Iminungkahi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na ilaan na lamang sa critical infrastructure projects at social programs na pakikinabangan ng buong bansa ang P13 billion na matitipid kapag isinabay ang plebesito para sa Charter change sa 2025 midterm elections.

Kaugnay na rin ito ng pahayag ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Garcia na bukas ang poll body sa pagsasagawa ng plebesito sabay sa 2025 elections at makakatipid dito ang pamahalaan ng P13 billion.

Ayon kay Zubiri, welcome at sang-ayon siya sa posisyon ng COMELEC na sa ganitong limitadong resources ay mahalagang ma-maximize o magamit nang husto ang bawat piso para tugunan ang mga pinakakailangan ng ating mga kababayan.


Bukod dito, ang pagsasabay ng plebesito sa 2025 midterm elections ay nakahanay rin sa pananaw ni Pangulong Bongbong Marcos.

Sinabi ni Zubiri na ang halagang matitipid ay maaaring ilaan pa sa pagpapatayo ng 5,200 silid-aralan, gayundin sa iba’t ibang mga programa na layong paunlarin ang buhay ng mga Pilipino tulad ng pag-angat sa kahirapan, agricultural developments projects o infrastructure improvements sa mga lalawigan.

Facebook Comments