SPD Chief Bathan, nag-sorry kay GMA-7 reporter Jun Veneracion ukol sa inagaw na cellphone

Images from Twitter/Jun Veneracion and Bathan's press conference at Kamuning Police Station 10

Humingi ng paumanhin si Southern Police District (SPD) Chief Police Brigadier General Nolasco Bathan kay GMA-7 reporter Jun Veneracion matapos niyang kumpiskahin ang cellphone ng mamamahayag sa gitna ng Traslacion noong Huwebes, Enero 9.

Paliwanag ni Bathan, inakala niyang banta sa seguridad ang Kapuso reporter dahil nakita nito ang pangalawa na kinukuhanan ng video ang komosyon sa pagitan ng pulisya at isang deboto sa isang parte ng Ayala Bridge.

“Ang instruction sa amin, bawal sa daan. Para makadaan nang maayos yung ating andas. Nagkataon nakita ko merong kinuha na magulo na deboto. Here comes another guy, nagpi-picture, akala ko nire-rescue niya ‘yung deboto na magulo,” pahayag ni Bathan.


Ayon pa sa hepe, hindi niya daw nakilala si Veneracion at sumusunod lamang sa ibinabang utos sa kanila.

“What happened between me and Mr. Veneracion was somehow a misunderstanding and I again sincerely apologize for my actions. It all happened unintentionally, we are just securing peace and order in the area,” dagdag pa ng heneral.

Sa viral video, kinuyog ng operatiba ang umano’y nanggugulong lalaki na sinusubukan nilang posasan hanggang sa mahiga na ito sa kalsada.

Pero hindi nakuhaan ang sumunod na pangyayari bunsod ng hablutang naganap.

Kuwento ni Veneracion, nilapitan niya si Bathan at tanungin bakit inagaw ang cellphone, nanggagalaiti pa rin ang pulis at nagbantang kukunin rin ang radyong ginagamit sa pagbabalita.

Nang kalmado na ang heneral, muli niya itong kinausap at doon na nag-sorry ang una kaugnay sa insidente.

Subalit napunta sa ‘recently deleted album’ ang kuhang video, senyales na sinadya itong burahin ng isa sa mga kinauukulan.

Mariing itinanggi ni Bathan na siya ang nagbura ng footage at sinabing saksi pa sa pangyayari ang Itim na Nazareno.

Facebook Comments