Handang-handa na ang Southern Police District (SPD) para siguruhin ang kaligtasan at seguridad ng mga residente sa southern part ng Metro Manila maging ang mga bisitang tutungo rito sa Semana Santa.
Ayon sa SPD, nasa 5,769 Philippine National Police (PNP) personnel ang kanilang ipakakalat sa mga key areas of responsibility para magbantay at magkaroon ng mapayapang paggunita ng Holy Week.
Nasa 334 police officers ang ide-deploy sa mga places of worship para siguruhin ang kaligtasan ng mga mananampalataya sa mga isasagawang religious gatherings.
Aabot naman sa 89 na officers ang ipapakalat sa mga major thoroughfares para magmando ng daloy ng trapiko at handang rumisponde sa ano mang emergency.
Magmamando naman sa mga transport hubs at terminals sa AOR ng SPD ang 112 na pulis para umalalay sa mga mananakay at magmintina ng kaayusan sa mga matataong lugar.
Magbabantay rin ang 95 na PNP personnel sa mga commercial areas gaya ng mga mall para mapigila ang ano mang criminal activity at masiguro ang kaligtasan ng mga shoppers at business owners.
Karagdagang 296 PNP personnel pa ang ide-deploy sa mga places of convergence kung saan inaasahan ang mga malalaking pagtitipon.
Makakatuwang ng mga local government units ang mga pulis sa pagpapatupad ng security measures at sa crowd control.
Magtatalaga rin ang SPD ng One-Stop-Shop Help Desks na imamando ng 39 PNP personnel.
Karagdagan namang 2,402 deployed personnel ang tututok sa border control points, law enforcement checkpoints, foot patrols, mobile/motorcycle patrols at ang pagpapatupad ng Red Team inspection at Reactionary Standby Support Force
Nakaantabay ang mga ito para sa agarang deployment para masiguro ang mabilisang pagtugon sa mga emerging security situations.