Pinasinungalingan ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang ibinabato sa kaniya na mga paninira ng mga supporters ni Marinduque Rep. Lord Alan Velasco sa Kamara.
Unang pinabulaanan ni Cayetano na pinagbawalan nila ang mga kongresista na dumalo sa mga pagdinig sa plenaryo at tanging mga kaalyado lamang ang pinapayagang pumunta ‘physically’ sa Mababang Kapulungan.
Paliwanag ni Cayetano, totoo namang pinagbawal ang pagpunta ng maraming kongresista sa Kamara upang maiwasan ang hawaan ng COVID-19 kaya naman nag-set up sila ng mga zoom hearings pero walang katotohanan na pinipigilan ang mga mambabatas na magtungo sa Batasan Complex.
Hindi rin aniya totoo na 60% ng Metro Manila budget ay napunta sa kanyang distrito sa Taguig.
Kung tutuusin aniya, ang karamihan sa top 10 na distrito na nabigyan ng malaking alokasyon sa 2021 budget ay hindi close sa kanya at hindi kaalyado.
Wala rin aniyang katotohanan na hindi sila nagiging patas sa mga Party-list Congressmen at sa koalisyon dahil kung tutuusin ay record breaking sa ilalim ng kanyang liderato na nabigyan ng matataas na posisyon sa Kamara ang mga ito.
Samantala, sinabi rin ni Cayetano na sa tamang panahon ay pasasagutin sina 1PACMAN Rep. Mikee Romero at Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves sa paggamit naman ng mga ito sa posisyon para sa kanilang mga iligal na negosyo.
Hindi naman tinukoy ni Cayetano kung ano ang sinasabing iligal na negosyo ng mga kongresista pero sinabi niyang hindi niya ito pinalusot dahilan kaya ginagamit umano ng mga ito ang isyu sa pambansang pondo.