Speaker Alan Peter Cayetano, nagbitiw bilang pinuno ng Kamara

Naghain ng kaniyang resignation bilang House Speaker si Taguig Representative Alan Peter Cayetano.

Kasunod ito ng girian ngayon ni Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco sa isyu ng term-sharing agreement sa posisyon ng pagka-Speaker.

Sa kaniyang privilege speech, sinabi ni Cayetano na hindi siya indispensable o kailangan bilang pinuno ng Kamara.


Dahil dito, sinabi ni Cayetano na nagbibitiw na siya sa puwesto.

Pero agad namang nagmosyon si Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor kung saan ipinababasura nito ang inihaing resignation ni Cayetano.

Aniya, hindi naman appointed official si Cayetano kundi inihalal at pinili siya ng mga kongresista bilang Speaker.

Agad namang sinegundahan ang mosyon na ito ni Bulacan Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado.

Sa viva voce voting ay nanaig ang mga kongresista na ibinabasura ang resignation ni Cayetano.

Samantala, bago ang paghahain ng resignation ni Cayetano ay binuweltahan nito si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco sa naging pulong nila kagabi kasama si Pangulong Rodrigo Duterte.

Iginiit ni Cayetano na makailang beses na nakiusap si Pangulong Duterte kagabi kay Velasco na kung maaari ay sa December na gawin ang pagbabago sa House leadership.

Pero sa kabila ng apela ng Pangulo, sinabi ni Cayetano na paulit-ulit naman itong tinatanggihan ni Velasco.

Ginagarantiya rin ni Cayetano na maupo mang Speaker si Velasco sa October 14, 2020 ay hindi ito magtatagal at posibleng makudeta rin dahil mangangailangan si Velasco ng mayorya ng boto mula sa mga miyembro ng Kamara.

Facebook Comments