Manila, Philippines – May banta si House Speaker Pantaleon Alvarez sa mga abogado ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ayon kay Alvarez, isasampal at ipapakain sa mga abogado ni Sereno ang papel kapag naglabas ng TRO ang Korte Suprema kaugnay ng impeachment ng Punong Mahistrado.
Kaugnay nito ay may plano ang mga abogado ni Sereno na magpetisyon sa Kataas-Taasang Hukuman para igiit ang karapatan nito na katawanin ang kanyang mga abogado sa impeachment hearing ng Kamara.
Sinabi ng Speaker na anong klase ang mga tagapagtanggol ni Sereno at mukhang hindi yata nagbabasa ng libro ang mga ito dahil hindi naiintindihan na hindi pwedeng manghimasok ang Supreme Court sa alinmang aspeto ng impeachment.
Binigyang diin nito, na ang Kongreso lamang ang natatanging may hurisdiksiyon sa proseso ng impeachment salig sa konstitusyon. .
Kung hindi naman haharap si Sereno sa pagdinig ng impeachment case nito sa Miyerkules ay lalabas na mahina ang depensa nito at guilty sa mga alegasyon sa ilalim ng impeachment complaint.