Speaker GMA, tiniyak ang agad na pagbabalik normal sa buhay ng mga residente ng Pampanga

Tiniyak ni House Speaker Gloria Arroyo na ginagawa lahat ng lokal na pamahalaan at iba’t ibang sektor ang kanilang makakaya para maibalik sa normal ang pamumuhay ng mga naapektuhan ng 6.1 magnitude na lindol.

Sa katunayan, sinabi ni Arroyo na marami na siyang mensahe na natatanggap na nagpapa-abot ng tulong para sa mga taga Pampanga na matinding niyanig ng lindol.

Aniya, ang lokal na pamahalaan ng Angeles City sa Pampanga ay nagpadala ng trucks at mga ambulansya kaninang umaga para sa search and rescue operations.


May mga disaster team mula sa ibang mga kalapit na lugar sa Porac, Pampanga ang tumulong na rin sa operasyon.

Tumulong na rin ang Philex mining para sa clearing operation ng mga gumuhong gusali at sa paghahanap sa mga nawawalang biktima matapos ang pagguho.

Nagdeploy din ang Meralco at construction team gayundin ang iba pang grupo ng generator sets at floodlights sa mga taga Porac para tumulong din sa road-clearing operation.

Makikipagugnayan din ang Speaker sa Philippine Disaster Response Foundation para sa iba pang kakailanganing pagsasaayos at tulong na maibibigay sa mga biktima ng lindol.

Facebook Comments