Speaker Lord Allan Velasco, dating Pangulong Gloria Macapagal – Arroyo at dating Speaker Pantaleon Alvarez, nagpaabot na rin ng pakikiramay sa pagpanaw ni dating Pangulong Noynoy Aquino

Lubos na nakikiramay si House Speaker Lord Allan Velasco sa pamilyang Aquino kaugnay sa biglaang pagpanaw ni dating Pangulong Noynoy Aquino.

Sa statement ng Speaker, nagluluksa ang buong bansa at nakikisimpatya sa pinakamahirap na oras ngayon ng pamilya, mga kaibigan at kasamahang iniwan ni Aquino.

Kinikilala rin aniya ng liderato ng Kamara ang buhay at dedikasyon ni dating Pangulong Aquino na nagsilbing kinatawan ng Tarlac 2nd District sa loob ng tatlong termino, at naging senador din ng bansa.


Nakikiisa rin si dating Pangulo at dating House Speaker Gloria Macapagal – Arroyo sa pagdadalamhati ng mga Pilipino sa pagpanaw ni PNoy.

Bukod aniya sa achievements ni Aquino ay mananatili siya sa alaala bilang parte ng pamilyang Aquino at nakaukit na rin sa kasaysayan tulad ng mga magulang nito na sina dating Senator Ninoy Aquino at dating Pangulong Cory Aquino.

Samantala, naniniwala naman si dating Speaker at Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez na “selfless” at “courageous” ang pagtugon noon ni Aquino na tumakbo bilang presidente noong 2010.

Aniya, si Aquino ang tanging senador noon na hindi nangarap na tumakbong pangulo ngunit sumunod ito sa panawagan ng mga Pilipino at sa kabutihang palad ay ito ang nanalong ika-15 Pangulo ng bansa.

Bagama’t aminado si Alvarez na hindi siya sang-ayon noon sa ilang desisyon ni Aquino, pero wala naman aniyang duda sa sinseridad ng dating pangulo at pagnanais nito sa ikabubuti ng bansa.

Facebook Comments