Nagpasya si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na maging caretaker ng Negros Oriental 3rd District sa loob ng dalawang buwan o hanggang May 22 habang suspendido ang kinatawan nito na si Congressman Arnolfo “Arnie” Teves Jr.
Nakasaad ito sa Memorandum Order No. 19-017 na inilabas ng Mababang Kapulungan na may petsang March 23, 2023, at pirmado ni Speaker Romualdez.
Nakasaad sa memorandum na ang naturang hakbang ay para sa kapakanan ng mamamayan ng Negros Oriental 3rd District.
Ang suspensyon kay Teves ay inirekomenda ng House Committee on Ethics and Privileges dahil sa kabiguan nitong bumalik sa bansa at sa kanyang trabaho kahit napaso na ang kanyang travel authority noong March 9, 2023.
Katwiran ng Committee na marapat patawan ng disciplinary action ang patuloy na kabiguan ni Teves na gampanan ang kanyang trabaho bilang miyembro ng Kamara dahil ito ay mali at nakaaapekto sa dignidad, integridad at reputasyon ng Mababang Kapulungan.
Si Teves ay isinasangkot din sa pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.