Speaker Velasco, umapela sa COMELEC na matiyak na makakaboto ang bawat eligible na Pilipino sa 2022 elections

Hinimok ni Speaker Lord Allan Velasco ang Commission on Elections (COMELEC) na gawin ang lahat ng paraan upang matiyak na bawat eligible na mga Pilipino ay makakaboto sa 2022 national at local elections.

Ang apela ng speaker ay kasunod na rin ng napipintong pag-apruba sa ikatlo at huling pagbasa ng panukalang pagpapalawig sa deadline ng voter registration.

Giit ni Velasco sa COMELEC, bawat Pilipino ay “deserve” o karapat-dapat na makaboto.


Hindi aniya dapat hayaan ng komisyon na mabalam ang demokratikong proseso ng halalan dahil lamang sa COVID-19 pandemic.

Paalala ng kongresista, ang “right to vote” ay isang mahalagang bahagi ng democratic process at ang COMELEC ay may tungkulin na siguraduhing lahat ng eligible voters ay makakapag-parehistro at magagawa ang kanilang “right of suffrage”.

Mula sa isinusulong na deadline ng voter registration na October 31 ay inamyendahan ito at ang huling araw ng pagpaparehistro ng mga bagong botante ay itatakda na 30 araw matapos ang “effectivity” ng batas.

Facebook Comments