Manila, Philippines – Umapela si Senador Sonny Angara sa mga kasamahang mambabatas para sa agarang pagpasa ng kanyang mga panukalang naglalayong pagkalooban ng espesyal na tulong pinansyal at mga dagdag benepisyo ang mga kagawad ng pulisya at militar masasawi sa pakikipagbakbakan.
Halimbawa aniya nito ang mga sundalong at pulis na nakadestino ngayon sa krisis sa Marawi kung saan 58 na ang mga sundalong nasasawi.
Kabilang sa mga isinusulong na panukala ni Angara ang Senate Bill 1462 o ang Uniformed and Law Enforcement Personnel Special Financial Assistance Act, at ang Senate bill 1463 o ang Uniformed and Law Enforcement Educational Assistance.
Layon ng SB 1462 na magkaloob ng special financial assistance na katumbas ng anim na buwang sahod, kabilang pa ang allowances at mga bonus sa pamilya ng mga sundalo at pulis na namatay habang nasa digmaan.
Prayoridad din ng gobyerno na bigyan ng trabaho sa pamahalaan ang naulilang asawa o sinumang benepisyaryo ng nasawing kagawad.
Nakapaloob SB 1463 na awtomatikong isailalim sa scholarship ang mga naulilang anak ng mga ito mula kindergarten hanggang kolehiyo.
Kabilang sa mga sasagutin ng gobyerno ang matrikula, miscellaneous fees, pambayad ng libro, school supplies, at allowance para sa kanilang pagkain at pamasahe.
Ayon kay Angara, hangad ng kanyang mga panukala na kilalanin ang sakripiso ng magigitang na kawal at matiyak ang maayos na kinabukasan para kanilang maiiwang mahal sa buhay.
DZXL558