Special Education Fund ng LGUs, pinapagamit para sa imprenta ng learning modules at internet access

Inirekomenda ni Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin sa Local Government Units (LGUs) na gamitin sa pag-imprenta ng learning modules at sa internet access ng mga estudyante ang kanilang Special Education Fund (SEF).

Ayon kay Garbin, dapat na ipagamit na ang SEF dahil libu-libong mga guro mula sa mga malalayong lugar ang humihiling ng donasyon para sa supplies at mga kagamitan na kakailanganin para sa learning modules.

Tinukoy ng kongresista na hindi sapat ang MOOE budget para pambili ng mga materyales na kakailanganin sa bagong approach ngayon ng pagtuturo dahil nakadepende lamang ito sa bilang ng mga estudyanteng naka-enroll.


Bukod sa gagamitin ito sa learning modules ay maaari aniyang gugulin ang SEF para pambili ng desktop computers, laptops, pocket wifi, broadband subscription at pag-acquire ng BGANs at VSAT equipment para mapalakas ang internet access sa online learning.

Dagdag pa ng kongresista, ang SEF ay ekslusibo lamang para sa edukasyon kaya maaari itong ma-realign para magamit sa blended at flexible learning ngayong pasukan.

Isinusulong din ng mambabatas na pondohan ng Department of Education (DepEd) ang pag-hire ng healing professionals tulad ng doctors, nurses, guidance counselors, psychologists at psychiatrists upang matiyak na malusog ang mga estudyante at mga guro habang nag-aaral sa mga tahanan gayundin sa pagbabalik-eskwela sakaling mawala na ang panganib ng COVID-19.

Facebook Comments