Special emergency leave para sa mga biktima ng kalamidad, isinusulong sa Senado

Itinutulak ni Senator Francis Tolentino na bigyan ng limang araw na special emergency leave ang mga maaapektuhan ng matinding kalamidad at sakuna.

Sa Senate Bill 652 ni Tolentino, ang mga biktima ng kalamidad at sakuna na nagtatrabaho sa pampubliko at pribadong sektor ay mabibigyan ng limang araw na emergency leave with pay o may sahod.

Pasok sa special emergency leave ang mga apektado ng matinding bagyo, landslide, baha, pagputok ng bulkan, lindol at iba pang katulad na kalamidad na maaaring magdulot ng casualty o pagkasira ng ari-arian.


Maaari namang i-avail ng isang manggagawa ang limang araw na special emergency leave ng magkakasunod o hiwalay na araw.

Ang nasabing leave ay gagamitin ng empleyado para sa pagkukumpuni o paglilinis ng napinsalang bahay, kung stranded sa apektadong lugar, kung nagkasakit o may kaanak na nagkasakit dahil sa kalamidad o trahedya.

Hindi naman saklaw ng panukala ang mga negosyo na ang bilang ng mga empleyado ay wala pa sa sampu gayundin ang mga manggagawa na kailangan ang serbisyo para sa pagtugon sa kalamidad.

Facebook Comments