Manila, Philippines – Pinagbibitiw at pinag-so-sorry ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) si Special Envoy to China Ramon Tulfo.
Ito ay matapos sabihin ni Tulfo na tamad, maingay at mabagal ang mga Filipino construction workers kaya naaagawan ng trabaho ng mga Chinese national.
Ayon kay Alan Tanjusay, tagapagsalita ng ALU-TUCP, masyado silang na-offend sa pahayag ni Tulfo.
Ipinunto rin ni Tanjusay ang hirap at pagiging delikado ng kanilang trabaho pero mababang sahod naman ang sahod.
Kasabay nito, nanindigan naman si Tulfo, hindi siya hihingi ng tawad dahil totoo naman ang kaniyang pahayag base na rin raw sa kaniyang personal na karanasan at mga reklamo na kaniyang natatanggap.
Sabi naman ni Labor Secretary Silvestre Bello, maaaring mis-informed si Tulfo tungkol sa mga manggagawa.