Cauayan City, Isabela – Agad na nagtatag ang PNP Nueva Vizcaya ng isang Special Investigation Task Group (SITG) upang imbestigahan ang ginawang pamamaril kaninang madaling araw, Enero 30, 2019, kay NDF Consultant Randy Malayao.
Ito ang inihayag ng pinuno ng PNP Nueva Vizcaya na si PSSupt Jeremias Aglugub sa isang pulong balitaan na isinagawa kaninang 2:00 ng hapon sa Cauayan City Police Station.
Kasama ni PNP PSSupt Aglugub na humarap sa media ay si Isabela PPO Director PSSupt Mariano Rodriguez.
Sa naturang pulong balitaan ay nagbigay ng dagdag impormasyon ang PNP Nueva Vizcaya sa ginagawang imbestigasyon ng kapulisan sa naturang pangyayari.
Magugunita na bandang 2:10 ng madaling araw ay binaril ng magkasabwat na kalalakihan si NDF Consultant Randy Malayao sa loob ng nakahimpil na sinakyan niyang bus na agad tumakas sakay ng isang motorsiklo.
Ang Victory Bus na siyang sinakyan ni Malayao ay kasalukuyan noon na nakahimpil sa CCQ Bus stop/restaurant nang mangyari ang naturang pamamaril.
Ipinahayag ni PSSup Aglugub na ikokonsidera nilang lahat ng mga anggulo sa kanilang ginagawang imbestigasyon kabilang na ang impormasyon na naging pinuno si Malayao ng Regional White Area Committee o RWAC sa mga nakalipas na taon.
Sa panig naman ng PNP Isabela ay nakahanda silang magbigay tulong sa pamilya Manayao para sa gagawing burol sa San Pablo, Isabela.
Ang Special Investigation Task Group ay kabibilangan ng PNP Aritao, Nueva Vizcaya, CIDG, Regional Crime Laboratory at PNP legal Office.