
Nasa dalawang prosecutor ang inatasan ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na tututok sa kaso ng pagpatay sa dating alkalde at veteran journalist na si Juan “Johnny” Dayang.
Sila ang mangunguna sa binuong Special Investigation Team on New Cases o SITN ng Department of Justice (DOJ).
Kaugnay nito, makikipagpulong sila sa multi-agency team na kinabibilangan ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang ahensiya upang agad na maresolba ang kaso ni Dayang.
Pangungunahan ng team of investigators ang fact-finding process, pangangalap at pangangalaga ng mga ebidensiya gayundin ang pagpapabilis ng paghahain ng kaso.
Ang special investigation team ay direktang magsusumite ng regular progress reports sa DOJ hanggang sa malutas ang krimen.
Matatandaan na noong April 29, 2025 ay binaril si Dayang habang nanonood ng TV sa loob ng bahay nito sa Barangay Andagao, Kalibo, Aklan ng hindi pa nakikilalang suspek.









