Nakatutok na ngayon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pagpoproseso ng special permit ng 712 na bus na idadagdag para bumiyahe sa mga lalawigan.
Ito ay sa harap na rin nang inaasahang pagdagsa ng mga pasahero patungong lalawigan sa darating Holy Week.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni LTFRB Technical Division Chief Joel Bolano, nakahanda ang LTFRB sa pagdagsa ng mga pasahero sa mga Public Utility Vehicle (PUV) kaya mayroong augmention buses para sa kasalukuyang bilang ng mga bus na bumabiyahe mula Metro Manila hanggang sa mga lalawigan at vice versa.
Sinabi ni Bolano, ang special permits na ito para sa mga pinoprosesong mga pampasaherong bus ay epektibo mula March 31 hanggang April 17, 2023.
Kaugnay nito, sa susunod linggo aniya ay mag-iinspeksyon ang LTFRB sa mga terminal ng bus katulad ng PITX at Araneta bus station na inaasahang dadagsain ng pasahero sa darating na Holy Week.
Nais aniya nilang matiyak na may maayos na pasilidad ang mga bus terminals na ito para sa mga pasaherong naghihintay bago sumakay sa bus patungong probinsya.
Panawagan naman ni Bolano sa mga may planong bumiyahe sakay ng mga pampasaherong bus na magreserba na agad ng ticket at iwasan ang maging chance passenger para hindi maabala o maghintay ng matagal sa mga bus terminal.
Samantala, paalala rin ni Bolano sa mga pasahero ng mga bus na palaging sundin ang health protocols lalo’t nanatiling may banta pa rin ng COVID-19.