Hiniling ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda na pagkalooban na ng special power si Pangulong Duterte para magpatupad ng Quantitative Restrictions (QRs) sa pag-aangkat ng bigas sa ibang bansa.
Sa aide-memoire na kanyang pinadala kina Pangulong Duterte, Speaker Alan Peter Cayetano at Majority Leader Martin Romualdez, sinabi ni Salceda na ang naturang hakbang ay maaring gawing last resort kasunod ng pagbaba ng farmgate prices ng palay sa P7 sa ilang lugar sa Luzon.
Sa oras na mabigyan ng special powers ang Pangulo, maaari aniyang ipatupad ang restrictions sa pag-iimport ng bigas.
Maari rin aniyang maglaan ng cash transfers sa mga marginal small-lot farmers at concessional loans naman sa mga magsasaka na may mahigit limang ektaryang lupain.
Bukod dito, sinabi ni Salceda na posible ring igiit ang Republic Act 8800 o ang Safeguards Law para magpataw ng 30% hanggang 80% tariff sa mga imported rice na lagpas sa Minimum Access Volume (MAV) na 350,000 metric tons.
Magugunita na ang Rice Tariffication Law ay personal na hiniling ng mga economic managers ng Duterte administration bilang isa sa mga nakikita nilang paraan para masolusyunan ang mataas na inflation rate o pagbilis ng pagtaas ng presyo ng bilihin.